Happiness is a choice.
Kahit ano man ang trabaho mo, kahit sino pa ang kasama mo, kung gugustuhin mong sumaya, sasaya ka. Pero may mga pagkakataon na kahit anong pilit mo sa sarili mo, para bang pinagkaisahan ka ng buong mundo sa pagbibigay ng mga bagay na makakapagpalungkot sa yo.
Masarap gawin ang isang bagay kung meron kang pinag-aalayan ng iyong tagumpay, o kaya naman ay alam mong may karamay ka kung ika'y mabigo. Sapat bang magtagumpay mag-isa? Sasaya ka nga ba kung ikaw ang magiging pinakamagaling, ikaw ang nasa itaas, pero wala ka namang kasama?
Ano nga ba ang dahilan kung bakit ka nagtatrabaho? Gusto mo bang yumaman? Gusto mo bang sumikat? O wala ka lang talagang magawa? Paano kung ang presyo ng ginagawa mo ngayon o pinaplano mong gawin ay ang unti-unti mong paglayo sa mga mahal mo sa buhay? Tutuloy ka pa rin ba?
Bakit nga ba hindi na tayo masiyahan sa kung ano ang meron tayo? Bakit patuloy tayong naghahanap ng magpapasaya pa lalo sa atin? Ganito ba talaga ang pagkakagawa sa ating mga tao?
Bakit sinasaktan natin ang mga nagmamahal sa atin, habang hinahayaan nating saktan tayo ng mga taong mahal natin ngunit hindi tayo mahal? Ang nakakatawa pa, hindi natin mahal ang nagmamahal sa atin dahil may mahal tayong iba na hindi naman tayo mahal dahil may mahal silang iba na hindi naman sila ang mahal... Ang gulo noh? Iilan lang ba ang kakilala kong nagtagpo na talagang mahal ang isa't-isa? O posible nga ba talaga ito? Karamihan ng mga kakilala ko ay natutunan na lamang mahalin ang mga karelasyon nila.
Happiness is a choice... Anak ng pusang ligaw... Sino ba ang ayaw sumaya? Saan ba tayo nagkakamali? Sa happiness ba o sa choice? Ah ewan...